'VOLTES V: LEGACY' AT 'FPJ'S BATANG QUIAPO' DIKIT ANG RATINGS; UNBREAK MY HEART PILOT EPISODE, UMARANGKADA AGAD

GORGY RULA

Maganda ang feedback sa pagsisimula ng GMA-7-ABS-CBN-Viu Philippines primetime series na Unbreak My Heart noong Lunes, Mayo 29, 2023.

Nabuhay ang timeslot na iyon dahil ang aggregated rating na nakuha ng Unbreak My Heart (GMA-7) ay 6.9%. Katapat nito ang Dirty Linen (Kapamilya Channel) na naka-4.9% naman.

Medyo mataas ang viewership noong Lunes ng gabi dahil okay rin ang ratings ng ibang programa.

Nagsimula ito sa 24 Oras (GMA-7) na naka-16.9%. Ang TV Patrol (Kapamilya Channel) ay naka-3.2%, at ang Frontline (TV5) ay naka-2.2%.

Nagdikit naman ang Voltes V: Legacy at FPJ's Batang Quiapo. Ang combined ratings ng Voltes V ay 13.5%, at 13.4% naman ang Batang Quiapo.

Sumunod ang Hearts On Ice na naka-9.8%, at 7.7% naman ang Iron Heart.

Ngayong Martes ng gabi May 30, ang second episode ng Unbreak My Heart kung saan nagsimula na ang kilig-kiligang eksena kina Jodi Sta. Maria at Joshua Garcia.

Abangan ang nakakaaliw na eksena nila sa loob ng cabinet.

NOEL FERRER

Mataas kaya ang viewership dahil nag-aabang at nag-iingat pa rin ang mga tao sa super typhoon o sadyang interesting na ang mga puwedeng panoorin sa TV?

Sana, both!!!

Nung Lunes din napanood ang paglalaro nina Joshua Garcia sa Family Feud. Nakapagtala ng 9.4% ang episode na yun sa game show ni Dingdong Dantes.

Read: Claudine Barretto, Joshua Garcia, SB19 kabilang sa mga maglalaro bago 'Family Feud' season break

Nakapagtala naman ng 5.1% ang guesting ni Max Collins sa Fast Talk With Boy Abunda kung saan nagsalita na siya nang tuwiran tungkol sa paghihiwalay nila ni Pancho Magno.

Read: Max Collins finally opens up about breakup with husband Pancho Magno

Narito ang rating ng iba pang programa nung Lunes…

Ang Eat Bulaga! ay naka-6.8%; It’s Showtime, 2.6%. Ang Allflix, na lumang pelikula ang ipinapalabas sa ALLTV, ay naka-0.1%.

Sumunod ang Abot Kamay na Pangarap na naka-10.6%.

Ang AraBella ay 9%, at ang The Seed of Love ay 6.9%.

JERRY OLEA

Kaabang-abang pa rin ang gitgitan ng Voltes V: Legacy at FPJ’s Batang Quiapo sa Game of Ratings.

Noong Mayo 22, Lunes, ay nagwagi ang Kapamilya teleserye ni Coco Martin with 12.6%, samantalang ang robotserye ng mga Kapuso ay 12.5%.

Nang sumunod na araw, Mayo 23, Martes, ay tabla sila. Parehong naka-12.8%.

Pero noong Mayo 24, Miyerkules, hanggang Mayo 26, Biyernes, ay wagi ang Voltes V: Legacy with the ratings na 11.6%, 13%, at 13.1%, respectively, kumpara sa FPJ’s Batang Quiapo na 10.9%, 12%, at 12.1%, respectively.

At nito ngang Mayo 29, Lunes… wagi pa rin ang dating kampeon.

Ipinagpapasalamat ng mga Kapamilya na all-time high ang 372,825 concurrent online viewers ng Batang Quiapo kagabi. Grateful din sila sa trending topics ng nasabing episode.

Samantala, may pa-Global Pinoy Caravan ang GMA Pinoy TV (GMA Network’s flagship international channel) noong nakaraang weekend sa Clark International Airport.

Nakisaya ang cast ng Abot-Kamay Na Pangarap sa pangunguna nina Jillian Ward at Carmina Villarroel. Present din si Matt Lozano na isa sa mga bida ng Voltes V: Legacy.

Siyempre pa, abang-abang din tayo sa mga kaganapan sa Eat Bulaga!.

Kung lilipat ang Eat Bulaga! sa TV5, saang timeslot ito ilalagay… at saan pupulutin ang It’s Showtime?

Umalis man ang Eat Bulaga! sa GMA-7 ay Kapuso pa rin si Vic Sotto na may weekly sitcom na Open 24/7.

Hanggang kailan ba ang kontrata ng It’s Showtime sa TV5?

Read: Tito, Vic & Joey magpapaalam na sa 'Eat Bulaga!'; paglipat sa TV5 "done deal na"?

Naalala ko tuloy ang musical-variety show na Sunday Noontime Live! na walang kaabug-abog na natsugi sa TV5 after its 14th episode noong Enero 17, 2021, at agad pumasok doon ang ASAP Natin ‘To.

Read: Sunday Noontime Live and Sunday Kada to end on January 17

2023-05-30T12:07:37Z dg43tfdfdgfd