REX BACULFO, ITINADHANA ANG PAGKAPANALO SA THE CLASH 2023

Si Rex Baculfo ng Caloocan City ang itinanghal na grand champion ng Season 5 ng The Clash, ang reality singing competition show ng GMA-7.

Napaluhod sa entablado at napahagulgol ng iyak ang 27-year-old singer nang ianunsiyo ng The Clash hosts na sina Rayver Cruz at Julie Anne San Jose na siya ang nanalo sa grand finals na napanood sa Kapuso Network, Linggo ng gabi, May 28, 2023.

Parehong napaluha ang The Clash judges na sina Ai-Ai delas Alas at Lani Misalucha nang makita nila ang eksena ng pag-iyak at pagluhod ni Rex.

"Happy ako dahil nanalo si Rex," sabi ni Ai-Ai nang makausap siya ng Cabinet Files ngayong Lunes, May 29, 2023.

"Sa totoo lang, destiny talaga ni Rex na manalo dahil nawalan siya ng boses bago nangyari ang grand finals.

"Siguro dahil na rin sa pagod, puyat, at kakakanta sa rehearsals.

"Isang himala ang nangyari kay Rex dahil biglang nagkaroon siya ng boses kaya iyak siya nang iyak,"

Ayon pa kay Ai-Ai, may puso at malalim ang pagkanta ni Rex kaya nararamdaman ng manonood ang tagos sa pusong pag-awit nito.

Nang hingan ng mensahe tungkol sa kanyang tagumpay, umiiyak na sabi ni Rex: "Matagal ko na pong ipinagdarasal ito. Maraming-maraming salamat ho sa lahat ng mga sumusuporta sa akin, sa lahat po ng mga naniwala, sa lahat po ng mga executive, sa lahat po ng judges, sa inyong lahat po, maraming-maraming salamat."

Isang milyong piso, exclusive contract sa GMA-7, bahay at lupa mula sa Camella Homes na nagkakahalaga ng tatlong milyong piso ang mga premyo na natanggap ni Rex bilang fifth champion ng The Clash.

2023-05-29T12:07:23Z dg43tfdfdgfd